Takot ako

  
Takot ako, takot ako sa mga bagay na matutulis.

Takot ako sa sinulid. Sa ineksyon, sa kutsilyo 

Takot ako, Takot ako sa masikip na lugar, sa maraming tao 

Takot akong maipit, mahiwalay.. malimutan. 

Takot ako. Takot ako sa dugo. Ayokong nakikita itong dumadaloy.

Ang sugat na sariwa, gasgas, galos, o kahit nga ang regla. Takot ako.

Takot ako na madaplisan o kahit mahawaan o mamantyahan. 

Takot akong mabahidan ng isang bagay na dahilan 

Ng sakit, ng hapdi, ng dalamahati, ng kirot, 

Takot akong masaktan. 

Ayoko ng balikan ang mga oras na lahat ay tila unti unting kumukupas 

Takot ako, na maalala lahat ng memorya at isulat muli 

Hanggang sa maubos ang tinta ng pluma 

Larawan mong nakaukit sa likod ng bawat letra. 

Ayokong ayokong natutusok 

Hindi ako manhid 

Dahil ramdam ko pa din ang tinik. Sakit. 

Ayokong naiipit

Hinahabol ang hininga habang tumatangis. 

Nakapikit 

At inaalala ang larawan mong nakaukit. 

Takot akong madapa. Sa kadahilanang walang kasiguraduhan 

Kung ako’y makakabangon pa bang muli o maibsan ang malalim

Na sugat ng kahapong wari’y basag na salamin. 

Dugong marahang tatahakin ang dausdos pababa. 

Titiisin ang sakit

Babagtasin ang di maiwasang daan 

Ng kalungkutan 

Ng kirot

Hapdi 

Dalamhati. 

Takot ako. Na baka kapag binalikan ko ang nakaraan 

Ako’y madaplisan mi ultimo kapiranggot na saya, tuwa, galak. 

hindi makalimutan ang mga matang baka hindi naman talaga ako tiningnan. 

Takot ako

Na maalalang noon 

Minahal mo din ako.

Advertisements

Hindi ko alam

 

Hindi ko alam 

Tatlong salitang parati kong naririnig sayo 

Tatlong salitang sawa nakong marinig galing sayo 

Tatlong salitang ayaw ko ng bigkasin mo

Hindi ko alam 

Kung bakit ako susulat

Kung bakit kita susulatan 

Takot ako, oo takot ako sa tuwing tatanungin kita kung ano tayo 

Takot akong malaman o marinig ang mga salitang lalabas sa bibig mo

Takot akong basahin ang mga mata mo 

Takot akong tingnan ang muka mo 

Takot akong malaman ang kasagutan pero kailangan..

Hindi ko alam

Kung bakit nagkaganto. Hindi naman ganito nung una 

Magkaibigan lang tayo diba?

hindi ba’t natutuwa lamang sa mga kwento ng isat isa 

Kumakain ng sabay

Nagtatawanan

Magkausap magdamag 

Niyayakap ka ng walang malisya 

Hindi ko alam 

Kung bakit ang saya saya ko kapag kasama ka hindi ko alam..

Kung bakit kapag tayong dalawa parang akin ang mundo at walang problema

Hindi ko alam 

Walang sagot sa tanong 

Kung bakit ka mahalaga 
Hindi ko alam

Kung bakit sa tuwing nakikita kita mundo koy lumilinaw 

Nakakakita ng pagasa 

Hindi ko alam 
ano na ba tayo? 

Hindi ko alam

Yan ang sabi mo. 

Pero ayoko ng marinig pa ang mga katagang yan na 

Patuloy nilalason ang isipan ko

Ayokong panghawakan ang isang bagay na pati ikaw hindi sigurado 

Hindi ko alam

Kung bakit pati ako naguguluhan sa nararamdaman ko

Pagod nako

Sa kakaintindi, sa kakaisip 

Sa kakatanggap ng basta at

Ng Hindi ko alam…

Dahil ngayon

Aaminin ko

Alam ko 

Sigurado ako

na

Mahal na kita.

Kanino 

  
Bakit ba kailangan mamili? 

Bakit kailangan magtiis? 

Umalis? 

Tumigil?

Magparaya?
Bakit kailangan bumitaw?

Sa isang bagay na dahilan ng kasiyahan mo 
Para San

Para kanino? 

Para ano? 
Para sayo? 

Hindi. 

Para sa mahal mo.
Oo hawak ko na, binitawan ko pa. Dahil..

Dapat. At mas mahalaga.

Wala na 

  

 Heto nanaman ako nakatingin sa kawalan. Pinagmamasdan ang kalawakan. Tila nagugulumihanan. utak kong umiikot sa mga hindi maintindihan. Ang mga “iyan” “ito” ang “dahilan” ang mga ” bakit” at “ganito” ang “tayo”
Paano ko ba uumpisahan? 

Ang isang bagay na pati ako di sigurado Kong naiintindihan. 

Paano ko ba uumpisahan? 

Kung ang tulang isusulat ko ay tungkol nanaman sayo. 

Paano ko ba sisimulan? 

Ang isang bagay na tayong dlawa ang bumuo 

Paano ko ba sisimulan 

Kung tinapos mo na naman.
Ibabalik ko sa umpisa. Sa una tayong nagkasama.Yung mga panahong may ikaw at ako. Mga panahong idea ko pa ang tayo. Ang mga madaling araw na usapan. Ang mga pagtawag at Bose’s mong tila kinikiliti ako. Mga matatamis na salitang mahal kumain ka na? Mahal bakit gising ka pa. Ang mga Sabay tayo matulog. Ang mga paalam kung hindi mo sinangayunan. Mga malilit na alitan. Ang mga sino yan. San kapupunta, hindi pwede yang suot mo, mga wag kang iinom at umuwi ka na. . Mga kwento mo na wala namang kabuluhan, mga txt mong puno ng emoji, mga kulitan, landian. Ang mga yakap mo, haplos mo, halik mo at oo nakakatawa, dahil lahat ng eto ay nanatiling sa umpisa. 
Naglaho na 
Natatawa na lamang ako sa tuwing maaalala ko ang mga panahong masaya pa. Hindi ko mapigilan na isipin ulet ang mga ala alang dapat limot na. Bakit tila parang gusto ko pang tikman, ang lasa, ang saya, ang pakiramdam, ang nakaraan kung saan ang lahat ay “totoo pa”
Wala na
Masisisi mo ba ako sa tuwing may bagay na magpapaalala sayo at wala akong ginawa kundi humiling sa langit, sa lupa, sa kung ano mang santo, engkanto, demonyo, aso para nakong baliw umaasa na maibabalik pa ang mga panahon na ikaw ay akin pa. Umaasa na sana, sana pwede pa.
Wala na
Paulet ulet na lamang sa umaga, tanghali, hapon, gabi ikaw ang dalangin. Walang ibang nasa isip kundi kamusta ka? Nasan ka? Kumain ka na ba?…..Masaya ka ba?
Paulet ulet na lamang ikaw ang laman ng utak, puso at ng luha. Walang ibang ginawa kundi humandusay sa kawalan, umiyak na para bang ang bawat patak ng luha ay maibabalik ang bawat segundo na kasama ka, pero oo nakakatawa, para akong tanga.
Oo tanga. Dahil oo. Wala namang tayo 

Wa- wakasan ko na ang nararamdaman ko sayo susubukan kung kalimutan ang ngiti mo na baon baon ko sa pang araw ara na buhay ko 

La-layuan na kita. Hindi bat yon naman ang gusto mo isasantabi ko ang pansarili Kong kasiyahan palalayain ka sa puso kung sugatan 

Na-nawawasak na ako. Nahihirapan nako na. Nangungulila sa piling mo. Pero dapat ko ng kalimutan ang pagkalunod ko sa kami, sa tayo. At ang ang akin na akala ko mananatiling akin dahil 

Ta-tanggapin Kong tapos na. Ipauubaya ko sa hangin ang nadarama sana maaga palang tangayin na At 

Yo- teka wala namang yo kung paanong wala namang tayo. 

Paulet ulet na lamang. Hapdi, sakit, pagod, dalamhati. Sinasaktan ang sarili. Bakit nga ba hindi ko nalang tanggapin ang kasulukuyan?
Paulet ulet nalang, kailan nga ba? Matatapos ang lahat ng ‘to. Makalimutan ang mga alala na hindi na kailanman maibabalik pa.
Paulet ulet na lang pinaaalahanan ang sarili na tama na. Tapos na, ang dati’y mananatiling dati. At ang nakaraan ay isa na lamang masayang larawan. Ang sumpaan ay mawawalan ng kabuluhan. Ang noon ay itapon. Kalimutan. Dahil 

Ibabalik ko sa umpisa 

Pagkatapos tatapusin ko na 

Wala na. 
 

Hukay 

  
Hukay.  

Masaya  tayong dalawa nung una, mga araw na ayoko ng mawala pa. 
Mga gabi na ikaw lang ang kausap magdamag at walang ibang inaalala
Kapag kasama ka para akong hinehele ng mundo na tila ba isa kang kanta na ayoko ng matapos pa 

dumatal ka sakin ng mga panahong kailangan ko ng kasangga
At para bang lahat ng agam agam hinukay at tinangay mo. ito’y nawala 
Naapuhap ang taong bubuo saking wasak na mga pangarap 
Kalahating bahagdan ng buhay ko ay sinakop mo at oo hindi ko itatagong 

Mahal na mahal kita. 

Mahal,

Naalala ko ang mga panahong tinuturuan mo pa ako ng sipnayan. 
Mga elementong hindi ko mabatid kung anong kahulugan, kumplikadong larawan, magulong tumbasan. 

Pero patuloy mo pading hinahanap ang kasagutan, maipaliwanag lang sakin ng buo ang isang bagay na hindi ko maintindihan. 

Mahal, 

Naalala mo ba yung panahong pinlano nating magkasama
ang mga adhikain na tutupadin nating dalawa.

Sa batalan kung saan nilagay mo ang mga kamay mo sa bewang ko at binulong mo ang mga katagang 

‘Sabay’ ‘tayong dalawa’ 

Mahal, 

Ang mga simpleng kamustahan, mga tawag at boses mong tila kinikiliti ako, mga mensahe mong araw araw ay baon ko, mga regalong tinuturing kong ginto, mga kwentuhan, landian, yakap mo, haplos mo, halik mo..
Bigla na lamang naglaho, 
Umalis ng walang paalam 
Nawala na parang bula. 
Alikabok na tinangay ng hangin 
Sa dulo

Sa lugar ng kawalan 

Mahal, 
Bakit ka biglang lumisan? 
pumaroon
Iniwan akong magisa 
Nasan na? 
Ang mga pangako at katagang…
Tayong dalawa? 
Wala man lang ako narinig na paalam 

Na patawad o 

Mi ultimo eksplinasyon na baka sakaling matanggap ko. 
Wala. 

Mahal, 

Kamusta ka na? 
Alam mo bang araw araw ko pading inaantay ang pagbalik mo?
Umaasa na baka sakaling nandiyan ka lang, pagala gala, 
Nagiisip, o di kaya naman nagbakasyon

Mahal, 
Nandito padin ako, nag aabang sayo 
Iniisip ko kaseng baka namahinga ka lang, 
Mag aantay ako 
Mahal, 

Namahinga ka lang,

Mahal, 

Anong pakiramdam sa ilalim? 

Anong pakiramdam ng natatabunan?

Anong pakiramdam na pikit ang mata at wala ng matanaw pa

Mahal, 

Naririnig mo ba ako? 
Hindi ba’t namamahinga ka lang? 
Walang salitang tutumbas sa kung gaano kita namimiss sa bawat pagdaan ng araw 
At habang tumatagal, ang pangungulila ko sayo’y lumalake 
Hindi mo alam kung gaano kita gustong mahagkan, walang may alam. 
Nilalamon ako ng katahimikan, binubulong ang iyong pangalan
Hindi mo man lang ako sinabihan, nagiwan ka pa ng memorya at larawan. 
Sinadya mo bang ako’y saktan? 
Walang may alam ng aking nararamdaman sa tuwing maiisip kong wala ka na
Walang may alam kung paano ko yakapin ang sarili at lumuha ng walang hangganan
walang may alam Mahirap, hindi ko na alam ang nangyayari

Madalas nakatulala at tinatanong ang sarili
walang may alam Ako’y nananalangin ng taimtim, umaasa na maibabalik ka pa
Walang may alam kung paano ko hinaharap ang kasalukuyan na magisa 
Walang may alam, 
At kahit ikaw…
hindi mo na malalaman.

Mahal, 
balang araw magkakasama din tayo sa hukay

 

Pansamantala, 

Paalam muna.

Batang kalbo

  

 Noong bata ako bungi ako
Masaya, maharot, magulo
Umupo sa duyan sa may kanto, nakakita ng batang kalbo
Hawak ang maliit na laruan pumukaw ng atensiyon ko

Sa sobrang pilya ko, lumapi’t ngumiti ako
Niyayang makipaglaro ang batang kalbo
May taglay na pagkamahiyain, inagaw ko
Ang laruan na nasa mga palad nito

Tatakbo baka sakaling makipaghabulan
Matandang babae lumapit at bata’y hinawakan,
Malungkot na batang kalbo tumayo sa kinauupuan,
“halika, late ka na sa iyong chemo”

Lumipas ang ilang taon
Lungkot at pagsisisi ang naramdaman
Bumalik sa lugar na kinaroroonan
Nakita ang laruan, may nota doon

“malaya nako sa cancer”
“Pwede nakong makipaglaro sayo”

Bakit

bakit kailangan akuin ang lahat ng sakit
isantabi ang pansariling kasiyahan, itataboy ang mga lalapit
pakiramdam na hindi karapat dapat
pinagkaitan ng mundo, lageng hindi sapat

hindi kailangan at walang saysay
alikabok kung ituring, sa basura isasabay
ano nga ba ang nagawang mali?
Bakit tila galit ng mundo sa akin nilalik?

Bakit ang iba’y masaya
Samantalang ako’y parang talutot ng bulalak na tuyot
Dahilan ba to ng pagpili sa maling desisyon?
Binabayaran ang isang bagay na parte na naman ng kahapon.

Umupo sa isang tabi parang lansag na kahoy
Hapdi, sugat, sakit ang dumadaloy
Puso’t isip nilason
Sinisipsip ng linta sa dahon

Tutugtog na lamang ng lira
Lilinlangin ang sarili sa musika.
Dadamhin ang karimlan kasabay ng paglimot sa bakit at
Pansamantalang iidlip.